Pag-aalis sa monumento nina Bonifacio at Jacinto sa Pinaglabanan, pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan na sa Senado ang ginawang paglilipat sa monument ng mga pambansang bayani sa San Juan.
Sinabi ni Senador JV Ejercito, na naging alkalde din ng lungsod, lantarang pambabastos ang hakbang sa mga national heroes.
Nais ni Ejercito na pagpaliwanagin ang mga opisyal ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) kung inaprubahan nila ang paglilipat sa mga bantayog.
Mula sa kahabaan ng Pinaglabanan Street sa San Juan, inilipat ang mga bantayog nina Gat Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo sa gilid ng San Juan City Hall sa harap ng Pinaglabanan Shrine.
“Dito po ang unang bugso ng rebolusyon. Because of San Juan’s contribution to history, I told myself we have to take advantage of the strength of the city, kaunti ang public official na may pagtingin sa history dahil walang botong makukuha, you have to be passionate,” paliwanag ni Sen. Ejercito.
“Yung monument ni Andres Bonifacio, sunod si Jacinto, si Rizal sa N. Domingo, as a tribute to Katipuneros nagtayo tayo ng Museo ng Katipunan as dedication to the father of the revolution,” dagdag pa ng mambabatas.
Nauna nang inalmahan ni Ejercito ang biglang pag-demolish sa bantayog ng mga bayani na sya ang nagpatayo.
Ipinatayo nya raw ito noon bilang pagpupugay sa mga bayaning sumama sa Battle of San Juan del Monte o Pinaglabanan.
Itinayo rin aniya ang landmark na ito para imulat at buhayin ang damdamin ng publiko sa pagiging makabayan.
“Gusto ko nga makausap ang head kung totoo, pero kung totoo pasensya na pero napakatanga naman nya. Yan po ang source of pride bakit itatago? Naiyak ako kahapon nakatago na sa mga puno halos hindi na makita, tulad nitong Rizal monument di na makita. Tagong tago na, ang sa akin po kung may kinalaman ang NHCP malaki ang kanilang ipapaliwanag dito, gusto nga nating buhayin ang nasyonalismo at pagmamahal sa bayan,” paliwanag pa ng senador.
Hindi naman inaalis ni Ejercito na pulitika ang dahilan ng pagpapagiba sa naturang mga monumento
Hinala nya inaalis ng kasalukuyang alkalde sa San Juan ang lahat ng mga landmark na maaring magpa-alala sa mga residente sa mga nagawa ng pamilya Ejercito at Estrada.
Meanne Corvera