Pag-aangkat ng ilang Japanese food ipagbabawal ng China kaugnay sa isyu ng paglalabas ng tubig mula sa Fukushima nuclear plant
Inihayag ng customs authority ng China, na ipagbabawal nito ang pag-aangkat ng pagkain mula sa 10 Japanese prefectures kaugnay sa isyu ng plano ng Tokyo na pakawalan sa karagatan ang treated nuclear wastewater.
Ang ilang dekada nang naka-planong pagpapalabas ng naipong tubig mula sa nawasak na Fukushima nuclear facility, ay aprubado ng International Atomic Energy Agency (IAEA) sa pagsasabing nakatugon ito sa mga pandaigdigang pamantayan.
Ang pagpapakawala sa tubig ay inaasahang magsisimula ngayong tag-init, ngunit tinutulan ito ng ilang mga kapitbahay ng Japan sa rehiyon, kung saan malakas na kinondena ng Beijing ang plano, gayundin ang ilan sa Fukushima, partikular na ang mga komunidad ng mangingisda na natatakot na iwasan ng mga customer ang kanilang mga huli.
Una nang sinabi ng foreign ministry ng China, na ang IAEA report ay hindi maaaring gamitin bilang “green light” para sa pagpapakawala ng tubig at nagbabala ng mga hindi tukoy na panganib sa kalusugan ng tao.
Sinabi ng customs authority ng China, na ipagbabawal nito ang pag-aangkat ng mga pagkain mula sa sampung Japanese prefectures kasama ang Fukushima dahil sa safety concerns, at magsasagawa naman ng mahigpit na radiation tests sa mga pagkaing magmumula sa iba pang bahagi ng Japan.
Sa pahayag ng mga awtoridad, “China Customs will maintain a high level of vigilance.” Subalit hindi nito binanggit ang talaan ng Japanese prefectures na maaapektuhan ng ban.
Nasa 1.33 milyong kubiko metro ng tubig sa lupa o groundwater, tubig-ulan at tubig na ginagamit para sa pagpapalamig ang naipon sa Fukushima site, na hindi na nagamit makaraang matunaw ang ilang mga reaktor kasunod ng tsunami noong 2011 na lubhang ikinapinsala ng planta.
Isinailalim ng plant operator na TEPCO sa treatment ang tubig sa pamamagitan ng kanilang ALPS processing system upang alisin ang halos lahat ng radioactive elements maliban sa tritium, at planong palabnawin ito bago ilabas sa karagatan sa loob ng ilang dekada.
Sinabi ng China, “Japan still has many problems in terms of the legitimacy of ocean dumping, the reliability of the purification equipment, and the completeness of the monitoring plan.”