Pag-aangkat ng mga manok mula sa Luzon, bawal muna- DA
Magiging mahigpit ang pagpapatupad ng quarantine protocols ng Department of Agriculture o DA sa mga manok at poultry products na dumadaan sa Manila airport at transhipment point sa iba pang bahagi ng bansa.
Kasunod ito sa ipinalabas na ban ng departamento sa pag-aangkat ng mga manok mula sa Luzon patungo sa iba pang bahagi ng bansa.
Pero sinabi ni Agriculture secretary Manny Piñol, hindi kasama sa ban ang mga ibinabyaheng manok sa mga paliparan sa Maynila.
Ipinag-utos rin ng kalihim na huwag aalisin sa kahon ang mga manok na magmumula sa Amerika at kaagad na ikarga sa mga connecting flights patungong Visayas at Mindanao.
Kontrolado na rin aniya ang 7 kilometrong bahagi ng San Luis sa Pampanga kung saan ipinagbabawal na rin ang paglabas ng mga manok at itlog sa nasabing lugar at lahat ng mga sasakyan ay kailangang i-disinfect.
Nanawagan rin si Piñol sa publiko na makiisa para mapigilan ang pagkalat ng bird flu virus sa buong bansa at panatilihing malinis ang mga poultry farms.