Pag-amyenda sa Konstitusyon hindi mapipigil nang pagtutol ng Senado
Tuloy pa rin ang Charter Change o Chacha sa pamamagitan ng People’s Initiative kahit hindi suportahan ng Senado.
Sa ambush interview, sinabi ni Albay Congressman Joey Salceda,Chairman ng House Ways and Means Committee na nakuha na ang 3 percent ng pirma ng mga botante sa bawat Congressional district.
Umaabot na rin aniya sa 12.1 percent ang nakalap na lagda ng kabuuang bilang ng botante sa buong bansa na siyang itinatakda sa probisyon ng 1987 Constitution para maisulong ang Chacha sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Ayon kay Salceda , mas malakas ang boses ng mga botante na pumirma sa pagsusulong ng People’s Initiative na paraan ng pag-amyenda sa saligang batas kaysa pagtutol ng 24 na Senador.
Sa sandaling maihain ng pro Chacha via People’s Initiative ang pormal na petisyon, sinabi ni Salceda na nasa kamay na ng Comelec ang bola para sa pagsasagawa ng validation sa nakalap na pirma sa bawat Congressional district.
Iginiit ni Salceda panahon na para amyendahan ang saligang batas lalo na ang economic provisions para mabuksan ang pintuan ng bansa sa mga oportunidad sa larangan ng foreign investment na magdadala ng kaunlaran sa buhay at pamumuhay ng bawat mamamayan.
Vic Somintac