Pag-apula ng wildfires sa Greece may “improvement” na
Sinabi ng fire service na mayroon nang “improvement” sa pag-apula sa wildfires sa Greece na mahigit isang linggo nang naglalagablab, ngunit nagbabala na namamalagi pa rin ang alerto dahil sa forecast ng malalakas na hangin na maaaring muling magpasiklab sa mga sunog.
Daan-daang pamatay sunog ang nakikipaglaban sa mga sunog sa mga isla ng Rhodes, Corfu at Evia maging sa bagong sunog na sumiklab sa Greece, habang nananalasa ang heatwave sa malaking bahagi ng Mediterranean.
May mga sumiklab ding sunog sa Croatia, Italy at Portugal ngayong linggo, kung saan sa Algeria ay 34 ang nasawi sa matinding init.
Sinabi ng isang Greek fire service spokeswoman, “For now we have no spreading fires, the situation is improving, but we remain on a war footing to contain the ongoing fires.”
Higit 130 katao ang inilikas lulan ng bangka mula sa isang bayan sa central Greece, matapos na magkaroon ng pagsabog sa isang ammunition warehouse dahil sa wildfires.
Ayon sa local media, ang sunog ay naapula na at ang mga residente sa bayan ng Nea Anchialos ay nagsimula nang magbalikan sa kanilang tahanan.
Libu-libo namang mga residente at turista sa kasagsagan ng abalang travel season ang inilikas din, kabilang ang Rhodes na isang sikat na holiday destination, kung saan ang mga opisyal ay nagdeklara na ng isang state of emergency sa linggong ito.
Dalawang piloto ang namatay noong Martes matapos bumagsak ang sinasakyan nilang water-bombing plane habang inaapula nila ang sunog sa Evia, habang dalawa katao pa ang namatay matapos sumiklab ang isang sunog noong Miyerkoles malapit sa industrial zone sa port city ng Volos.
Sa loob ng mahigit sampung araw, nakaranas ng sobrang init ang Greece na ayon sa ilang mga eksperto ay ang siyang pinakamahabang heatwave na naitala ngayong July sa nakalipas na mga dekada.
Bukod sa apat na nasawi, halos 50,000 ektarya ng kagubatan at gulayan ang nasunog batay sa pagtaya ng Athens Observatory.
Ang mga temperatura na umabot sa 45 degrees Celsius (113 degrees Fahrenheit) noong nakaraang weekend, ay nagsimula nang bumaba.
Sa prediksiyon naman ng national weather forecaster na EMY, ang mga temperatura ay aakyat ng lampas sa 37C, ngunit inaasahan na ang malalakas na hangin ay maaaring umabot sa 60 kilometres (37 miles) bawat oras.