Pag-aresto kay President Yoon kaugnay ng martial law investigation, inaprubahan ng korte sa South Korea
Inaprubahan ng isang korte sa South Korea ang isang arrest warrant para sa na-impeach na si President Yoon Suk Yeol, na nahaharap sa insurrection charges dahil sa pagtatangkang magpatupad ng martial law sa mga unang bahagi ng Disyembre.
Ang warrant ay inisyu ng Seoul Western District Court, tanda ng unang pagkakataon na isang nakaupong South Korean president ang naharap sa pag-aresto ayon sa local media.
Si Yoon ay na-impeach sa kalagitnaan ng Disyembre, na nagsususpinde sa kaniyang kapangyarihan bilang pangulo habang nirerepaso ng Constitutional Court ang kaniyang kaso.
Bukod sa impeachment, si Yoon ay iniimbestigahan din para sa insureksiyon at pag-abuso sa kapangyarihan, ng isang joint government investigation team. Hinangad ng mga awtoridad ang arrest warrant makaraang balewalain ni Yoon ang tatlong pagpapatawag sa kaniya upang kuwestiyunin.
A woman holds a poster as demonstrators opposing the court’s approval of an arrest warrant for impeached South Korean President Yoon Suk Yeol protest outside Yoon’s official residence in Seoul, South Korea, December 31, 2024. REUTERS/Kim Soo-hyeon
Tumanggi ang legal team ni Yoon na makipag-cooperate sa imbestigasyon, sa pagsasabing ang impeachment trial ay dapat na maging prayoridad kay sa alinmang criminal proceedings.
Hindi naman malinaw kung kailan tatangkaing arestuhin si Yoon o kung gaano magiging ka-agresibo ang mga awtoridad sa pagtatangkang isilbi ang warrant.
Sa ngayon ay pinigil ng Presidential Security Service ang mga imbestigador na makapasok sa presidential office compound o sa opisyal na tirahan ni Yoon para sa court-approved searches, banggit ang security at military considerations.
Sa pangkalahatan ay immune ang mga presidente ng South Korea mula sa prosekusyon habang nasa puwesto, maliban sa mga kasong kinasasangkutan ng rebelyon o treason.
Demonstrators opposing the court’s approval of an arrest warrant for impeached South Korean President Yoon Suk Yeol protest outside his official residence in Seoul, South Korea, December 31, 2024. REUTERS/Kim Soo-hyeon
Noong Disyembre 3 ay idineklara ni Yoon ang martial law, ang una sa mga katulad nito mula nang maging isang demokrasya ang South Korea, subalit binaligtad ng mga mambabatas ang utos sa loob lamang ng ilang oras.
Sinabi ni Yoon na ang deklarasyon ng martial law ay kailangan upang maghatid ng isang “strong message” sa kaniyang mga katunggali, na inaakusahan niyang sympathizers ng North Korea na sumisira sa kaniyang agenda.
Ang impeachment process ay puno rin ng kawalang katiyakan. Ang Constitutional Court ay mayroon lamang 180 araw upang magpasya sa pagpapatalsik kay Yoon, ngunit dahil sa bakante ang tatlong judicial seats, kailangang magkaisa ng pagpapasya ang lahat ng anim na natitirang mahistrado upang mapagtibay ang impeachment.
Nabigo rin ang mga pagsisikap na mag-appoint ng bagong mga hukom, kung saan nagbanta ang oposisyon na kanilang i-impeach ang mga susunod na acting presidents na tatangging sumang-ayon sa kanila, na nagbunsod naman sa mga pangamba na tatagal pa ang isang political deadlock na lubha nang nakaapekto sa ekonomiya ng South Korea.
Nitong nakalipas na linggo, ang halaga ng South Korean won ay umabot sa isang 16-year low kontra U.S. dollar, na nagpatindi sa mga pag-aalala tungkol sa mas mataas na energy import costs at mas mataas na consumer prices.