Pag-asa Island planong buksan sa turismo
Plano ng Munisipyo ng Kalayaan sa Palawan na buksan sa turismo ang Pag-asa Island.
Ang Pag-asa island ang isa sa pangunahing isla sa Kalayaan Group of Islands na sakop ng pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Taglay ng isla ang maputing buhangin at kulay asul na karagatan, at kung sakay ng eroplano ay makikita ang malilit na isla sa paligid nito.
Bukod sa malinis na tubig, sagana rin sa yamang dagat ang isla.
Sinabi ni Kalayaan Mayor Roberto del Mundo na kung mabubuksan sa turismo, hindi lang paliligo sa dagat kundi maari ring i-alok sa mga turista ang diving, fishing at island hopping bukod sa snorkeling.
“Gustung-gusto nila na mapuntahan nila yung mga islet, gawa nang maraming ibon, maraming pawikan,” paliwanag ni Mayor del Mundo sa panayam ng mga mamamahayag na kasamang bumisita sa isla.
Sinabi ng alkalde na nakipagpulong na sila sa Department of Tourism para ikampanya ang ganda ng isla at magkaroon ng training sa mga maaring maging tourist guide o posibleng diving instructor.
Pero aminado siya na kulang ang kanilang pasilidad ngayon para maaccommodate ang mga turista
Isa na rito ang posibleng tutuluyan nila sakaling mag-desisyon ang mga turista na mag-overnight sa isla at mga sasakyang pandagat tulad ng mga bangka para marating ang isla.
“Meron na pong pangako sa amin si Secretary Abalos… magkakaroon ng repair ng mga housing structure, tourism office, pasalubong center at sasakyang pandagat,” dagdag pa ni Mayor del Mundo.
Meanne Corvera