Pag-asa ng mga Pinoy, hindi binigo ni Hidilyn Diaz makaraang makakuha ng ginto sa weightlifting event
Hindi nabigo ang pag-aabang ng maraming Pinoy sa pagsabak ng Tokyo Olympics gold medalist na si Hidilyn Diaz sa 31st Southeast Asian (SEA) Games, para idepensa ang kaniyang 55-kgs women’s weightlifting title sa Hanoi, Vietnam.
Ito’y matapos makuha ni Diaz ang gintong medalya nang talunin niya si Sanikun Tanasan ng Thailand, sa women’s 55-kgs event na ginanap sa Hanoi sports training and competition center.
Ayon kay Diaz, hindi naging madali ang paghahandang ginawa niya at itinuring niya na matinding kalaban ang pambato ng Thailand na si Sanikun, dahil nakuha nito ang medalyang ginto sa 2016 Rio Olympics at tinalo rin siya nito sa 53-kgs category sa 2017 World Championships sa California.
Noong isang linggo pa dumating sa Vietnam si Diaz para duon ipagpatuloy ang kaniyang training, kung saan mahigpit siyang binantayan ng kaniyang head trainer na si Julius Naranjo, nutritionist na si Jeaneth Aro at sports psychologist na si Karen Trinidad.
Ito na ang ikalawang gintong medalya ni Diaz kasunod ng 2019 biennial meet. Ang una ay sa Tokyo Olympics at ngayon ay sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam.
Samantala, hanggang sa isinusulat ang balitang ito matapos ang panalo ni Diaz ay mayroon nang kabuuang 184 na medalya ang Pilipinas, 42 rito ay ginto, 57 ang pilak at 86 ang tanso.