Pag-imbentaryo at pagsuri sa security features ng mga printed ballots para sa 2022 Elections, inihirit ng poll lawyer ni Robredo
Nais ng election lawyer ni Vice- President Leni Robredo na maging transparent ang COMELEC sa ginagawang pag- imprenta sa mga balota para sa halalan sa Mayo.
Sa kanyang sulat sa poll body, kinuwestiyon ni Atty. Romulo Macalintal ang pag-iimprenta ng COMELEC sa mga official ballots nang walang abiso sa mga kandidato at partido politikal at hindi pagpayag sa mga watchers na obserbahan ito.
Aniya paglabag ito sa Omnibus Election Code at sa karapatan sa due process ng mga kandidato.
Kaugnay nito, naglatag si Macalintal ng mga mungkahi sa poll body bilang kompromiso at alang-alang sa transparency.
Isa na rito ay ang pagbigay sa mga kandidato at partido ng full inventory ng mga printed ballots at para saan ito na mga lugar, at maging ang lalawigan, lungsod at munisipalidad na hindi pa naiimprenta ang balota.
Ipinanukala rin ni Macalintal ang pagsasagawa ng poll body kasama ang mga kinatawan ng mga kandidato at political parties ng random sampling ng mga balota para masuri kung may security features ang mga ito.
Gayundin, hiniling ng poll lawyer na payagan na ang mga watchers ng mga kandidato at political parties sa printing ng mga balota na hindi pa naililimbag gaya ng nakasaad sa batas.
Moira Encina