Pag-obliga sa mga online seller na magparehistro tinutulan ng ilang Senador
Tutol si Senador Imee Marcos sa panukalang nag-obliga sa lahat ng online seller na magparehistro.
Ayon kay Marcos, hindi makatutulong ang panukalang ito lalo na sa mga nagsisikap na kumita tulad ng mga ordinaryong pamilya.
Sa Senate Bill 1591 ni Senador Sherwin Gatchalian, target na tukuyin ang mga solidary accountable sa consumers, online buyers at online e-commerce platform.
Ito’y para mabilis na matukoy kung sino ang maaring managot sakaling magkaroon ng kapalpakan sa produkto o serbisyong ibinebenta kung nakalalason, iligal o depektibo.
Pero giit ni Marcos, hindi maaring isama sa “Joint and Solidary Liability”, ang mga Tiangge operators at sari-sari store kaya bakit ito ipapataw sa online sellers.
Sinabi naman ni Senador Pia Cayetano na magkakaiba ang estilo ng online platforms kaya hindi maaari na isang patakaran lang ang paiiralin sa mga ito.
May umiiral na rin aniya na Intellectual property Code of the Philippines na nagbabawal sa pagbebenta ng fake products gaya ng nakikita sa ilang online platform.
Meanne Corvera