Pag-uusap ng DOJ at EU parliamentarians, nasentro sa mga reporma sa sistema ng hustisya at hudikatura
Hindi gaano napagusapan ang isyu ng drug war probe ng International Criminal Court (ICC) sa dayalogo ng European parliamentarians sa mga opisyal ng Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na hindi pa tumagal ng tatlong minuto ang pagtalakay sa nasabing usapin.
Sa halip natuon aniya ang dayalogo nila sa EU delegates sa mga reporma na ipinapatupad sa mga sistema ng hustisya at hudikatura.
Ayon sa kalihim, tila nasorpresa ang EU lawmakers sa mga pagbabago at improvement na ipinapatupad ng Pamahalaang Marcos.
Kasama rin sa napagusapan sa pulong ang mga reporma sa prisons system at sa prosekusyon ng mga kaso.
Ang mga pagbabago sa corrections system ng Pilipinas tulad ng pag-decongest ng mga piitan ang pangunahin na tatalakayin ni Remulla sa pagtungo niya sa Geneva.
Sa pagtaya ng kalihim, kayang mapababa ng higit 10% ang laman ng mga kulungan sa loob ng unang taon ng implementasyon mga hakbangin ng gobyerno.
Sa loob ng tatlong taon naman aniya ay maaaring bumaba sa 50,000 mula sa 200,000 ang bilang ng mga preso sa bilangguan dahil sa mga ipapatupad na reporma.
Moira Encina