Pagbaba ng employment rate temporary setback lang – DOLE
Mas maganda na ang nakikita ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa labor market sa hinaharap.
Giit ni Bello, ang pagbaba parin ng employment rate ay temporary setback lamang.
Epekto aniya ito ng mga ipinatupad na mas mahigpit na quarantine rules noong Setyembre, at mga dumaang bagyo na nakaapekto naman sa Agriculture sector.
Pero ngayong bumababa na aniya ang mga kaso ng COVID -19 sa bansa at mas marami ng nababakunahan, mas maraming negosyo na ang makakapagbukas.
Idagdag pa aniya na nalalapit narin ang holiday season kung saan mas mataas na ang demand kaya tiyak mas marami ang job opportunities.
Batay sa datos, bumaba .8% ang employment rate noong Setyembre habang tumaas naman ang unemployment rate sa 8.9% mula sa dating 8.1% noong Agosto.
Tiniyak ni Bello na ginagawa ng gobyerno ang lahat para masuportahan lalo ang mga maliliit na negosyo para makabawi kahit paano dahil sa epekto ng pandemya para narin sa kapakanan ng mga manggagawa.
Madz Moratillo