Pagbabakuna ng Moderna Covid vaccine, itinigil muna ng Iceland sanhi ng pangamba sa heart inflammation
Sinuspinde ng Iceland ang pagbibigay ng Moderna anti-Covid vaccine, dahil sa bahagyang pagtaas sa panganib ng cardiac inflammation.
Nakasaad sa pahayag na lumabas sa website ng Health Directorate ng Iceland, na nagpasya ang chief epidemiologist na huwag nang gamitin ang Moderna vaccine dahil sapat naman ang suplay ng Pfizer vaccine.
Ginawa ang desisyon bunsod ng pagtaas sa insidente ng myocarditis at pericarditis matapos ang pagbabakuna gamit ang Moderna, maging sa pagbabakuna gamit ang Pfizer/BioNTech.
Hindi naman ito makaaapekto sa vaccination campaign sa isla na may 370,000 naninirahan kung saan 88 percent na ng populasyon na lampas edad dose anyos, ang fully vaccinated na.
Sa nakalipas na dalawang buwan, ang Iceland ay nagbigay ng dagdag na dose ng Moderna vaccine sa Icelanders na una nang nabakunahan ng Janssen, isang single-dose serum ng Johnson & Johnson ng America, at maging sa mga matatanda at immunocompromised na nakatanggap na ng dalawang dose ng ibang brand ng vaccine.
Simula noong Huwebes, sinuspinde rin ng Sweden at Finland ang paggamit sa Moderna vaccine, ngunit para lamang sa mga wala pang 30-anyos dahil sa panganib ng inflammation ng myocardium, heart muscle, at pericardium, ang membrane na bumabalot sa puso.
Sa Denmark naman at Norway ay pormal nang itinigil ang paggamit ng Moderna sa mga wala pang 18-anyos.
Ayon sa Swedish authorities, karamihan sa inflammations ay benign o kusang lumilipas, ngunit inirekomenda nito na kailangang magpakonsulta sakaling makaranas ng sintomas.