Pagbabakuna ng Moderna sa mga batang edad 12-17, aprubado na ng UK regulator
LONDON, United Kingdom (AFP) – Inihayag ng Britain medicine watchdog, na inaprubahan na nito ang Moderna COVID-19 vaccine para sa mga batang edad 12-17, matapos una nang payagan ang Pfizer.
Ayon sa Medicines and Healthcare products Regulatory Agency, ang bakuna ay ligtas at mabisa sa nabanggit na age group.
Subali’t bahala na ang government advisory body, ang Joint Committee on Vaccination and Immunisation (JCVI), na magrekomenda kung sisimulan na ang pagbabakuna.
Disyembre ng nakalipas na taon nang simulan ng Britanya ang kanilang mass vaccination, kung saan sa ngayon ay halos 90 porsiyento na ng kanilang adult population ang nabigyan na ng 1st dose, habang 77% naman ang nabigyan na ng 2nd dose.
Sinabi ng health officials na nakatulong ang pagbabakuna sa pagbaba ng bilang ng mga na-aadmit sa mga pagamutan na may serious cases ng COVID-19, bagamat tumaas ang infection rates.
Ayon sa JCVI, tanging ang mga nasa edad 12-15 na itinuturing na “vulnerable” ang bibigyan lamang ng bakuna.
Target ng gobyerno na bigyan ng 1st dose ang nasa 16-17 yrs old pagdating ng August 23, upang magkaroon man lang sila ng proteksiyon bago magsimula ang klase sa England at Wales, sa Setyembre.
Agence France-Presse