Pagbabakuna sa general adult population, sisimulan na
Inanunsyo ng Department of Health na sisimulan na ang pagbabakuna kontra Covid-19 sa general adult population.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, ito ay matapos sabihin ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr. na may sapat ng supply ng Covid -19 vaccine sa bansa.
Pero binigyang-diin ni Vergeire na prayoridad pa rin sa pagbabakuna ang mga senior citizen at persons with comorbidities na pinaka-vulnerable sa Covid-19.
Patuloy naman ang panawagan ng DOH sa mga nasa A2 at A3 na magpabakuna na.
Umapila naman si Vergeire sa mga lokal na pamahalaan na maglaan ng special lane sa vaccination sites para sa mga A2 at A3.
Pinayuhan naman ng DOH ang publiko na hintayin na lamang ang anunsyo ng kani-kanilang LGU hinggil sa magiging proseso ng pagbabakuna sa general adult population.
Samantala, tiniyak ng DOH ang kahandaan sa nakatakdang pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga kabataan na may commorbidities sa Oktubre 15.
Ayon kay Vergeire, handa na rin lahat ng mga Ospital na kasama sa pilot implementation ng pagbabakuna at maging ang kanilang logistics.
Tiniyak ni Vergeire na walang dapat ikabahala ang mga magulang at mga Kabataan dahil ligtas ang mga bakuna na gagamitin sa kanila.
Kabilang sa mga ospital na pagsasagawaan ng pagbabakuna ay ang Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del Mundo Medical Center, at Philippine General Hospital.
Mga bakuna ng Pfizer BioNTech at Moderna ang gagamitin sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 dahil ito pa lang ang may Emergency Use Authorization para magamit sa nasabing age group.
Madz Moratillo