Pagbabakuna sa mga estudyante ng UPLB, sinimulan na
Umaabot sa 121 mag-aaral ng UP Los Baños ang nabakunahan sa pagsisimula ng COVID-19 vaccination program para sa mga college students.
Ayon sa UPLB, ang mga unang batch ng estudyante ay nakatira sa loob at malapit sa campus.
Kasama sa mga tinurukan laban sa COVID ang pitong foreign students na istranded mula noong magsimula ang pandemya.
Bukod sa mga mag-aaral, inumpisahan na rin ang pagbabakuna sa mga dependents ng faculty at staff ng UPLB.
Kabuuang 158 dependents ang kasama sa unang grupo ng naturukan.
Ang alokasyon ng bakuna ay direktang tinanggap ng UPLB mula sa DOH CALABARZON sa pakikipagtulungan ng Los Baños LGU.
Kinakailangan na mag-preregister ng mga mag-aaral at dependents sa UPLB Online Health Monitoring System para makasama sa vaccination program.
Kampante ang unibersidad na mas maraming estudyante at dependents ang makatatanggap ng kanilang dose ng COVID vaccines sa mga susunod na araw.
Umaasa naman ang pamunuan ng UPLB na pagdating ng Nobyembre o Disyembre ay mabakunahan na ang lahat ng UPLB constituents at estudyante.
Ito ay bilang paghahanda na rin sa posibleng pagbabalik ng face-to-face classes sa susunod na taon.
Moira Encina