Biden at Xi, nag-usap para maiwasan ang hidwaan
Sa unang pagkakataon makaraan ang pitong buwan, nakipag-usap sa telepono si US President Joe Biden sa kaniyang Chinese counterpart na si Xi Jinping, at hinimok ito para tiyakin na ang kompetisyon sa pagitan ng dalawang makapangyarihang bansa ay hindi mauuwi sa hidwaan.
Ayon sa isang senior US administration official, ang mensahe ni Biden sa pag-uusap nila ni Xi, ay ang matiyak na hindi magkakaroon ng anomang sitwasyon sa hinaharap na magiging sanhi ng hindi sinasadyang hidwaan.
Ito ang unang pagkakataon mula noong Pebrero, na magkausap sa telepono ang dalawang lider na inabot ng dalawang oras, makalipas maupo ni Biden bilang pangulo kapalit ni Donald Trump.
Pumangit ang relasyon ng US at China sa ilalim ng administrasyon ni Trump, nang maglunsad ito ng trade war sa pamamagitan ng kaniyang “America first” ideology.
Sinabi ng opisyal na ayaw magpakilala . . . “We welcome stiff competition but we don’t want that competition to veer into conflict. The goal of the call was to set ‘guardrails’ so that the relationship can be managed responsibly.”
Dagdag pa ng opisyal, nauunawaan ni Biden ang kahalagahan nang direktang pakikipag-usap kay Xi.
Paglilinaw pa ng senior official . . . “The call was not about finding some sort of breakthrough agreements, it was about keeping the channels of communication open. Our goal is, to really reach a steady state of affairs between the United States and China.”
Si Biden na nagkaroon ng malapit na relasyon kay Xi habang siya pa ang bise presidente sa panahon ni Barack Obama, ay naniniwala sa kaniyang kakayahan sa ‘personal contact’ pagdating sa diplomasya.
Ayon pa sa senior administration official, ang tawag ay ginawa ni Biden upang pigilan ang lumalala nang hindi pagkaka-intindihan ng US at China.
End