Pagbabalik ng Oil Price Stabilization Fund at pag-amyenda sa Oil Deregulation law isinusulong sa Kamara
Hindi sapat ang pagbibigay ng ayuda sa tuwing umaalagwa ang presyo ng mga produktong Petrolyo sa bansa dahil ang nakikinabang lamang dito ay ang mga nasa sektor ng transportasyon at napag-iiwanan ang mga ordinaryong mamamayan
Nais ni Deputy Majority Leader Congressman Erwin Tulfo na amyendahan na ang RA 8476 o Oil Industry Deregulation Act of 1997.
Dahil dito inihain ng mambabatas ang House Bill 8898 o an act establishing the budget ng bayan para sa murang Petrolyo and repealing the Oil Deregulation Law.
Ayon sa Kongresista ito’y bilang pagtugon sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hanapan ng paraan kung papaano mapapababa ang presyo ng mga produktong Petrolyo sa bansa.
Kapag naging ganap na batas ang pondo para sa budget ng bayan para sa murang Petrolyo na hawig sa dating Oil Price Stabilization Fund ay kukunin sa mga savings ng ibat-ibang ahensiya ng pahalaan.
Nauna ng inihayag ng liderato ng Kamara na ang Oil Deregulation Law ang nagtatali sa kamay ng gobyerno para pakialaman ang presyuhan ng mga produktong Petrolyo sa bansa.
Sa ngayon walang tigil ang linggo-linggong pagtaas sa presyo ng mga produktong Petrolyo sa bansa na ginagawa ng mga kumpanya ng langis na nakakaapekto na sa pamumuhay ng bawat mamamayan partikular na sa mga mahihirap.
Vic Somintac