Pagbabalik ng restriksyon, solusyon umano para mapataas muli ang vaccination coverage laban sa COVID
Malaki na umano ang ibinaba ng mga nagpapa-bakuna kontra COVID-19 sa Maynila.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Manila Health Department Chief Arnold Pangan na malaking kaibahan ang bilang kung ikukumpara sa unang bugso ng bakunahan.
Sa kasagsagan ng vaccination campaign, nasa 146% ang vaccination coverage ng lungsod habang bumaba ito sa 65% sa 1st booster, at 8.5% sa 2nd booster.
Kaya naman umapela si Pangan sa national government, ibalik na ulit ang restrictions at huwag papasukin sa mga establishment gaya ng mall o maka-byahe ang mga hindi pa bakunado.
Ito lang ang nakikita nilang paraan para mapataas ang bilang ng mga nagpapa-bakuna kontra COVID-19.
Sa ngayon, ay nasa 250 aniya ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Nitong Linggo, May 21, may 36 na bagong kaso ng COVID-19 na naitala ang Maynila, 26 rito ang na admit sa ospital at 9 sa kanila ang unvaccinated.
Sa ngayon, sa 183 COVID-19 beds sa lungsod, 15.4 percent lang aniya ang okupado.
Sa kanilang 6 na ospital sa lungsod, 26.1 percent lang aniya ang may naka-admit na COVID patient.
Madelyn Moratillo