Pagbabawas sa distansya ng mga commuter sa mga pampublikong sasakyan binawi, 1 meter distance ibinalik ng IATF
Binawi ng Inter Agency Task Force o IATF ang pagpapatupad ng pagbabawas sa distansiya ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque mananatili ang isang metrong distansiya sa loob ng mga pampublikong sasakyan hanggat hindi pa naglalabas ng desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte.
September 14 nang ipatupad ng IATF ang patakarang bawasan ang isang metrong distansiya sa loob ng mga pampublikong sasakyan batay sa rekomendasyon nina Transportation Secretary Arthur Tugade at National Task Force Chief Implementer Secretary Carlito Galvez.
Ang pagbabawas sa distansiya sa mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan ay mariin namang tinutututulan ng mga grupo ng mga medical professionals kasama sina Health Secretary Francisco Duque III at DILG Secretary Eduardo Año.
Ayon kay Roque maglalabas ng desisyon si Pangulong Duterte sa susunod na linggo hinggil sa isyu ng pagbabawas ng distansiya ng mga pasahero sa loob ng mga pampublikong sasakyan.
Vic Somintac