Pagbagsak ng popularity rating dapat magsilbing babala kay Pang. Duterte
Dapat magsilbing babala kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbagsak ng trust rating nito na nabawasan ng five percentage points.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, nangyari ang pagbagsak sa popularidad ng Pangulo nang mangyari ang pagdukot at pagpatay sa Koreano na si Jee Ick Joo, ang nakakaalarmang kaso ng pag-abuso sa human rights, ang paglutang ni SPO3 Arturo Lascananas at palit-ulo scheme.
Ang survey ay malinaw aniyang reaksyon ng publiko sa nakakabahalang maling pamamalakad ng gobyerno lalo na sa nakamamatay na war on drugs.
Unti-unti na rin aniyang nagdududa ang publiko sa paraan ng paresolba ng Pangulo sa matinding problema sa iligal na droga .
Sinabi ni Hontiveros na dapat pakinggan ng Pangulo ang hinaing ng publiko laban sa mga pag-abuso bukod pa sa matinding hirap na dinaranas sa patuloy na pataas ng presyo ng mga bilihin at pangunaging serbisyo.
Ulat ni: Mean Corvera