Pagbawi ng Pilipinas sa Travel ban sa 10 bansa na may malalang kaso ng Covid-19, hindi dapat ikabahala – OCTA
Hindi dapat ikabahala ang pagbawi ng gobyerno ng Pilipinas sa travel ban na ipinatupad sa sampung bansang may malalang kaso ng Covid-19.
Kahapon, inanunsyo ng Malakanyang ang pag-lift ng ban simula bukas, September 6 sa mga bansang kabilang ang India at Pakistan na may matataas na kaso ng Covid-19 Delta variant.
Sinabi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David na kahit pa alisin ang travel ban sa mga nasabing bansa ay baka mangamba rin ang mga biyaherong magtungo sa Pilipinas dahil sa isa ang ating bansa sa Asya na may malalang kaso ng Covid-19.
Nasa 4,000 lamang kada araw ang naitatalang bagong kaso ng Covid-19 sa Pakistan nitong nakalipas na mga araw pero sa Pilipinas ay pumapalo na sa higit 20,000 kada araw.
Gayunman, hindi ito nangangahulugan na dapat nang magluwag ang Pilipinas sa pagbabantay sa mga inbound traveler.
Mahalaga pa rin aniya na nasusunod ang quarantine restrictions sa mga dumarating na pasahero.