Pagbibigay ng awtorisasyon para sa Covid vaccines sa mga batang-bata, tinitimbang ng US panel
Isang panel ng mga eksperto na ipinatawag ng US Food and Drug Administration, ang magpupulong ngayong Miyerkoles upang timbangin kung irerekomenda ang Covid vaccines sa mga batang Amerikano.
Ang mga batang wala pang limang taon na lamang ang tanging age group na hindi pa pinapayagang mabakunahan ng anti-Covid sa Estados Unidos at sa karamihan ng iba pang mga bansa. Kung sakali, gaya ng inaasahan, paboran ng panelists at bigyan ng go signal ang Pfizer at Moderna vaccines, agad itong susundan ng formal authorizations na ang unang pagbibigay ng bakuna ay aasahan sa susunod na linggo.
Bago ang pagpupulong, ipinost ng FDA ang kanilang independent analysis sa dalawang nabanggit na bakuna, na itinuturing na kapwa ligtas at mabisa. Sinabi rin nito na mayroong matinding hindi pa natutugunang pangangailangan na mag-bakuna ng nasa nasabing age group dahil ang rate ng kanilang pagka-ospital at pagkamatay ay “mas mataas kaysa sa mga bata at kabataang 5-17 taong gulang.”
Ang dalawang bakuna ay kapwa base sa messenger RNA technology, na nagde-deliver ng genetic code ng coronavirus spike protein sa human cells, at tini-train ang immune system na maging handa kapag naka-encounter na ng totoong virus.
Humihingi ng pahintulot ang Pfizer para sa tatlong dosis ng tatlong microgram na ibibigay sa mga edad anim na buwan hanggang apat na taon, habang hiniling ng Moderna sa FDA na aprubahan ang bakuna nito sa dalawang dosis ng mas mataas na 30 micrograms, para sa edad anim na buwan hanggang limang taon.
Ang mga ito ay sinubok na sa libu-libong mga bata, kung saan napag-alamang may mga katulad itong na antas ng banayad na epekto sa mas matatandang grupo ng edad, at nag-trigger ng mga katulad na antas ng antibodies.
Ang pagiging epektibo laban sa impeksyon ay mas mataas para sa Pfizer, kung saan inilalagay ito ng kumpanya sa 80 porsiyento kumpara sa mga pagtatantya ng Moderna na 51 porsiyento sa anim na buwang gulang hanggang dalawang taong pangkat ng edad at 37 porsiyento sa dalawa hanggang limang taong pangkat ng edad.
Ngunit ang mga numero ay pansamantala lamang at pinag-aaralan ng Moderna ang pagdaragdag ng ikatlong dosis sa ibang pagkakataon na maaaring magpataas sa mga numero nito.
Mayroong humigit-kumulang 20 milyong mga bata sa US na may edad na apat na taon pababa. Kung irerekomenda ng mga eksperto na hinirang ng FDA ang dalawang bakuna, mapupunta ang usapin sa isa pang komite na ipinatawag ng Centers for Disease Control and Prevention para sa isang pinal na desisyon.
Noong isang linggo ay sinabi ng mga opisyal ng White House, na ang pagbibigay ng milyon-milyong dosis ng bakuna sa mga parmasiya at tanggapan ng mga manggagamot ay maaaring masimulan ng sing aga ng June 21, kasunod ng Juneteenth holiday sa June 20.
Sa kabuuan ng mga namatay sa US sanhi ng Covid, 480 ay mula sa mga batang wala pang limang taon, ayon sa latest official data.
Sa isang dokumento ay sinabi ng FDA . . . “Obesity, neurological disorders and asthma are associated with increased risk of severe disease, however, a majority of children hospitalized for Covid-19 have no underlying medical conditions.”
Ang mga bata ay maaari ring magkaroon ng multisystem inflammatory syndrome in children o MIS-C, isang bihira ngunit seryosong post-viral condition.
Ang data sa long Covid sa mga bata ay madalang, ngunit binanggit sa dokumento ng FDA ang isang national survey sa United Kingdom kung saan lumitaw na “sa kalipunan ng mga batang edad 2-11 taon na nagpositibo para sa COVID-19, 7.2 porsiyento ang napaulat na patuloy na nakaranas ng sintomas sa loob ng 12 linggo.”
© Agence France-Presse