Pagbibigay ng 3rd dose ng Covid-19 vaccine para sa mga immunocompromised, senior citizens at health workers, aprubado na ng DOH
Inaprubahan na ng Department of Health ang pagbibigay ng ikatlong dose ng bakuna kontra Covid-19 sa mga immunocompromised, senior citizens at health workers.
Ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, bukod sa rekomendasyon ng World Health Organization ay nagbigay na rin ng rekomendasyon ang mga eksperto sa bansa hinggil sa pagbibigay ng 3rd dose ng bakuna.
Para magamit kasi sa 3rd dose, kailangang maamyendahan ang Emergency Use Authorization ng mga brand ng Covid-19 vaccine na ginagamit ngayon sa bansa.
Sa ngayon ayon kay Vergeire ay pinaplano na na kung paano ang magiging implementasyon ng 3rd dose vaccination.
Ang rekomendasyon naman ng WHO sa oras na simulan ang 3rd dose vaccination, unahin muna ang mas matatanda.
Pero paalala ng WHO, dapat maging prayoridad pa rin ang mga wala pang bakuna kontra Covid-19.
Ayon sa WHO, may mahigit 3 milyon pang miyembro ng elderly population dito sa Pilipinas ang hindi pa nababakunahan.
Samantala, sinabi ni Vergeire na magsasagawa ng Covid-19 catch-up vaccination para sa senior citizens ang Metro Manila Center for Health Development at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.
Para sa mga senior citizens na hindi pa bakunado, maaari aniyang magtungo sa mga nasabing pasilidad tuwing Martes at Huwebes para makapagpabakuna.
Hindi na aniya kailangan magpapre-register dahil maaari naman aniya silang mag-walk-in.
Madz Moratillo