Pagbibigay ng PNP bodyguards sa mga taga-POGO kinuwestyon sa Senado
Nasabon ng mga Senador si PNP Chief Rodolfo Azurin sa budget hearing sa Senado dahil sa pamamayagpag ng mga tauhan ng PNP na nagsisilbing bodyguards ng mga nasa POGO.
Tanong ni Senador Sonny Angara, bakit mas marami pang bodyguards ang mga nasa POGO samantalang ang mga Senador at iba pang opisyal ng gobyerno, isa o dalawa lang ang security.
Kwestyon ng Senador mula sa buwis ng taumbayan ang ibinabayad sa kanilang mga bodyguards at bakit pati mga miyembro ng kanilang pamilya may security detail.
Sinita rin ni Senador Koko Pimentel si Azurin bakit pinapayagan ang ganitong kalakaran at pinagmumukhang delikado ang Pilipinas sa mga dayuhan.
Sagot ni Azurin, nagbibigay raw sila ng security detail depende sa security assesment.
Pero hindi nakumbinse si Senador Ronald dela Rosa marahil may ginagawa aniyang kalokohan ang mga ito kaya may banta sa buhay.
Agad namang iniutos ni DILG Secretary Benhur Abalos ang pagpapatigil sa pagbibigay ng security sa mga POGO epektibo kahapon, October 8.
Inutusan rin ni Abalos si Azurin na tugisin, kasuhan at patawan ng disiplina ang mga pulis na nagbo body guard sa mga POGO.
Meanne Corvera