Pagbisita sa China ipinagpaliban ng pangulo ng Brazil dahil sa pneumonia
Ipinagpaliban ng isang araw ni Brazilian President Luiz Inacio Lula da Silva, ang simula ng kaniyang state visit sa China dahil sa “mild pneumonia,” ayon sa kaniyang tanggapan.
Sa isang pahayag ay sinabi ng presidency, “The President of the Republic, Lula da Silva… has mild pneumonia and, for this reason, he will postpone until Sunday the start of his trip to China.”
Nakatakda sanang umalis patungong China ang 77-anyos na leftist president ngayong Sabado, subalit matapos sumailalim sa isang medical examination sa Syrian-Lebanese hospital, na isang nangungunang klinika sa Brazil, ang kaniyang pag-alis ay inurong bukas, Linggo.
Sa kaniyang biyahe, si Lula ay nakatakdang makipagkita kay Chinese President Xi Jinping sa Beijing, kung saan umaasa siya na mapalalakas ang kalakalan, matatalakay ang international mediation sa Ukraine at mabawi ang papel ng Brazil sa global geopolitics.
Pagkatapos ng panahon ng “isolation” sa ilalim ng pinalitan niyang si Jair Bolsonaro, hangad ni Lula na muling ibalik ang pakikipag-ugnayan sa mga kaalyado.
Ayon pa sa pahayag ng presidency, si Lula ay may pakikipagpulong sa dalawang ministers na kinansela na rin nitong Biyernes.
© Agence France-Presse