Pagbubukas ng OAV, matagumpay – Comelec
Sa kabila ng ilang napaulat na aberya, iginiit ng Commission on Elections na sa kabuuan ay naging matagumpay parin ang pagbubukas ng overseas voting kaugnay ito ng May 9,2022 elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, sa 92 post abroad ay 3 lang ang hindi nakapagbukas sa unang araw.
Ito ang polling post sa Islamabad sa Pakistan na ang election materials ay hindi pa nairerelease ng Pakistan Customs, Timor-Leste na may problema naman sa flights at Shanghai, China na naka-lockdown parin dahil sa COVID- 19 situation roon.
Natuwa rin ang Comelec dahil maraming Overseas Filipinos ang lumabas at bumoto.
Pero dahil sa dagsa ng mga botante, nagkaroon ng problema pagdating sa social distancing na kasama sa ipinatutupad na protocol bilang pag iingat sa COVID- 19 .
Gaya nalang sa Hongkong na ayon kay Casquejo, mismong Hong Kong government ang pumuna sa dami ng tao na nakakalabag na sa health protocol.
Ang Hong Kong ay nakakaranas parin ng ika limang surge ng COVID- 19 cases.
Tiniyak naman ni Casquejo na ang mga botante na nasa loob ng 30 metro sakop ng polling center ay papayagan paring makaboto.
Sagot ito ng Comelec sa mga hiling na mapalawig ang oras ng botohan. Sa Hong Kong naman, mula sa dating 5, gagawin na ring 10 ang vote counting machines.
Madelyn Villar Moratillo