Pagbuo ng National Transport Safety Board, ipinamamadali ni Sen. Poe
Pinapapaspasan ni Sen. Grace Poe sa gobyerno ang pagbuo ng isang National Transport Safety Board.
Kasunod ito ng panibagong trahedya sa kalsada na pumatay ng mahigit tatlumpu sa Nueva Ecija.
Ayon kay Poe, kapag may NSTB ay agad makakapagsagawa ng independient investigation sa mga aksidente na kinasasangkutan ng mga pampublikong transportasyon.
Sa pamamagitan aniya ng mga imbestigasyon maaring makabuo ng mga mas malinaw at konkretong polisiya para maiwasan na ang mga aksidente sa daan.
Kasabay nito ang panawagan ng Senadora sa awtoridad lalo na sa kompaniya ng Leomarick bus na agad asikasuhin ang mga biktima at pamilya ng mga nasawing pasahero.
Dapat aniyang papanagutin ang mga may kasalanan sa panibagong malagim na aksidente para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Una nang inihirit ni Poe ang matinding pangangailangan ng isang NSTB sa bansa sa pagdinig sa Senado ng pinamumunuan niyang Committee on Public Services sa trahedyang sinapit ng 13 estudyante ng Bestlink.Colleges nang maaksidente ang sinasakyan nilang tourist bus sa kanilang educational tour sa Tanay Rizal.
Ulat ni: Mean Corvera