Pagdalo ni Pangulong BBM sa Asean Summit sa Cambodia makakabuti sa Pilipinas ayon kay dating Pangulo at ngayo’y House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo
Naniniwala si dating Pangulo at ngayo’y House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo na makaBUbuti sa Pilipinas ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Association of Southeast Asian Nation o ASEAN Summit na ginaganap sa bansang Cambodia.
Sinabi ni Arroyo batay sa kanyang karanasan bilang dating Pangulo ay maisusulong ni Pangulong Marcos Jr. ang interes ng Pilipinas sa ASEAN Summit lalo na sa mga isasagawang bilateral meeting sa mga lider ng mga bansa na kasapi ng ASEAN.
Ayon kay Arroyo mahalaga ngayon na mapatatag ng Pilipinas ang pundasyon ng pakikipagrelasyon ng pamahalaan sa Asian region dahil nasa yugto ng pagbangon ng ekonomiya ang ibat-ibang mga bansa sa buong mundo mula sa epekto ng pandemya ng COVID-19.
Inihayag ni Arroyo na hindi lamang sa larangan ng ekonomiya maisusulong ni Pangulong Marcos Jr. ang interes ng Pilipinas kundi maging sa aspetong pang-seguridad dahil sa nanatiling problema sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea na pinag-iinteresan ng Peoples Republic of China.
Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nasa bansang Cambodia para dumalo sa ASEAN Summit na magtatapos sa November 13.
Vic Somintac