Pagdating ng 400K Sinovac vaccine sa Maynila, ‘Best gift’ para sa Founding Anniversary ng lungsod- Mayor Isko
Itinuring ni Manila Mayor Isko Moreno na “best gift” para sa mga Batang Maynila ang pagdating ng nasa 400,000 doses ng Sinovac vaccine para sa ika-450 Araw ng pagkakatatag ng Maynila ngayong araw.
Kaninang umaga dumating sa bansa ang nasa 2 milyong bakuna ng Sinovac kasama rito ang 400,000 doses na binili ng Lungsod.
Ayon sa alkalde, tamang-tama ang pagdating ng mga bakuna para sa karagdagang 200,000 nilang mga residente.
Napakalaking tulong aniya ito para matulungan ang National Government na maabot ang target na herd immunity bago matapos ang taong ito.
Target aniya ng Maynila na makamit ang herd immunity pagsapit ng Setyembre ngayong taon.
Samantala, sinabi naman ni National Task Force Against Covid-19 implementer and vaccine czar, Secretary Carlito Galvez na ang 1.6 milyong doses ng Sinovac ay ipadadala sa mga lalawigan na may mataas na kaso ng Covid-19.