Pagdedeklara ng State of Climate Emergency isusulong sa harap ng banta ng El Niño
Irerekomenda ng Climate Change Commission (CCC) na magdeklara ng state of emergency para pakiharapan ang pinsalang dulot ng climate change sa Pilipinas.
Sa harap ito ng nagbabadyang El Niño phenomenon na magsasapanganib sa water at food security dahil sa magiging epekto ng inaasahang tagtuyot.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program na Sa Ganang Mamamayan (SGM), sinabi ni Commissioner Albert dela Cruz ng Climate Change Commission na may kahalintulad ding mga resolusyon ang nakahain na sa dalawang kapulungan ng Kongreso para rito.
“We already have a draft resolution declaring an emergency, a state of calamity at the committee level, may iba’t ibang resolution din sa lower house and the senate for the declaration of climate emergency, and we are calling the support of different LGUs to pass their local climate change {ordinance],” pahayag pa ni Comm. dela Cruz.
Mahalaga aniyang may “focal person” ang mga LGUs na tututok sa isyu ng climate change.
Sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumatayo ring chairman ng komisyon, kailangan ang whole-of-nation, whole-of-community approach sa usapin sa climate change mitigation and adaptation.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng roadshow ang CCC sa iba’t ibang LGUs para i-prisinta ang mga mitigating measures na maaring gawin, gayundin ang paggamit ng mga renewable energy na aakma sa pangangailangan.
Pero mungkahi ni Senador Francis Tolentino na upang mas maging madali ay magpatawag na lamang ng pangkalahatang pulong ang komisyon kasama ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
“Dapat siguro ay bigyan din ng tuon ang LGUs dahil sila ang nakakaramdam ng impact nito, yung effect sa kapaligiran, sa local economy, yung roadshow bago matapos matagal pa, siguro magpatawag na lang ng pulong with DILG and DENR, pillin yung most vulnerable at yun ang puntahan,” paliwanag pa ni Tolentino.
Sa May 2 nakatakda ang Luzon-wide meeting ng komisyon kung saan 50 local mayors ang nangakong dadalo, kasama ang mga inanyayahang technology experts, gayundin ang Landbank at Development Bank of the Philippines o DBP bilang bahagi ng Climate Change Mitigation and Adaptation Summit.
Weng dela Fuente