Pagdedeklara ng State of Emergency dahil sa food crisis tinutulan ng mga Senador
Hindi pabor ang mga Senador sa rekomendasyon ng Philippine Chamber of Agriculture and Food na magdeklara ng State of Emergency o Calamity para maresolba ang kakapusan ng suplay ng pagkain sa bansa.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, kailangan munang masusing pag- aralan ang panukala.
Kwestyon ng Senador, paano masusustain ang magiging bunga ng aksyon ng gobyerno matapos ang State of emergency at kailan dapat ideklara na tapos na ang krisis.
May magagawa naman aniyang paraan ang pamahalaan sa pamamagitan ng paglalaan ng budget ng mga Local government units para sa food production.
Bukod sa makakatulong para magkaroon ng sapat na suplay, maaring mabawasan pa ang bilang ng jobless.
Sinabi ng Senador, sa pagbubukas ng 19th Congress iimbitahan ng Senado ang mga nasa sektor ng agrikultura gaya ng PCAF para hingan ng detalye hinggil dito.
Pangamba naman ni Senador Grace Poe baka magamit lang ito para payagan muli ang importation at luwagan ang pagpasok ng mga imported na pagkain na lalo lang pumapatay sa agrikultura.
Giit ni Poe ang malawakang importation ang pumatay sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Batay sa ginawang imbestigasyon ng Senate Committe of the whole ng Senado ang kailangan hindi band aid kundi permanenteng solusyon sa problema sa suplay ng pagkain na problema rin sa buong mundo.
Hindi rin pabor si Senador Sherwin Gatchalian dahil posibleng maabuso aniya ang paggamit ng pondo ng sektor ng agrikultura.
Sa ilalim kasi aniya ng State of emergency, gagamitin ang pondo ng gobyerno ng walang bidding o direktang bibili ang gobyerno ng produkto papunta sa mga mga supplier.
Pagtiyak naman ni Senador Sonny Angara na Chairman ng Senate Committee on Finance, tututukan ng Senado ang recovery ng bansa sa aaprubahang panukalang pondo para sa susunod na taon partikular na rito ang pagpapalakas sa mga negosyo at pagbabalik ng sigla ng ekonomiya.
Meanne Corvera