Pagdinig ng prosekusyon sa reklamo laban kay PNP Chief Debold Sinas, tuloy -DOJ
Tuloy ang preliminary investigation ng piskalya sa reklamong paglabag sa quarantine protocols laban kay bagong PNP Chief Debold Sinas.
Ito ang reaksyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang gagawaran ng pardon si Sinas kung ito ay mapatunayang may pananagutan.
Ang reklamo laban kay Sinas ay nag-ugat sa isinagawang mañanita sa kaarawan nito noong Mayo habang may mahigpit na lockdown na sinasabing paglabag sa quarantine protocols ng gobyerno.
Ipinunto ni Guevarra na alam ng Pangulo na may reklamong nakabinbin laban kay Sinas.
Anya batay sa pahayag ng Presidente hihintayin nito ang findings ng kaukulang proceedings kung may sala ang PNP chief.
Paliwanag pa ni Guevarra, ang paggawad ng executive clemency ay maari lamang gawin kung napatunayang guilty ang akusado.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na kailangang matapos ng DOJ o prosekusyon ang tungkulin nito na dinggin at resolbahin ang reklamo laban sa opisyal.
Moira Encina