Paggamit ng polymer ng BSP sa mga perang papel may epekto na sa Abaca industry
Isinusulong ni Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel ang paggamit muli ng Abaca sa paggawa ng mga perang papel ng Pilipinas.
Sa harap ito ng desisyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas na gumamit ng polymer o plastic material sa bagong one thousand peso bill kapalit ng lumang bank note na gawa sa 80 percent na cotton at 20 percent na Abaca.
Ayon sa Senador dahil sa ginawa ng BSP apektado ang Abaca industry at maaaring malugi ang kanilang negosyo.
Katunayan batay aniya sa Federation of Free Farmers ang desisyon ng BSP na itigil na ang paggamit ng Abaca ay nakabawas na sa kita ng may dalawandaang libong mga Abaca making families sa may limamput anim na mga probinsya sa bansa.
Ilan sa mga lalawigang nagpo produce ng Abaca na apektado ngayon ay ang Catanduanes, Davao Oriental, Surigao, Bukidnon at Davao del Sur.
Iginiit ni Pimentel na ang Abaca fiber ay kilala sa pagiging matibay, flexible at salt water resistant.
Bahagi na rin aniya ito ng kasaysayan ng Pilipinas at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Naghain na si Pimentel ng resolusyon para paimbestigahan ang isyu.
Meanne Corvera