Paggigiit ni Pangulong Duterte sa UN General Assembly virtual meeting ng Arbitral Ruling na pumabor sa Phl, hindi makakaapekto sa bilateral relations ng bansa sa China- Malacañang
Kumpiyansa ang Malakanyang na hindi makakaapekto sa bilateral relations ng Pilipinas at China ang pagbanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa United Nations General Assembly virtual meeting sa 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas kaugnay ng mga pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea na nakapaloob sa 200 miles Exclusive Economic Zone ng bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na iginiit ng Pangulo ang desisyon ng International Arbitral Tribunal na pumabor sa Pilipinas bilang bahagi ng customary international law na dapat na igalang ng alinmang estado na kasapi ng United Nations.
Ayon kay Roque ang United Nations General Assembly meeting ay isang multilateral forum at walang kinalaman sa anumang bilateral ties lalo na sa bansang China.
Inihayag ni Roque, consistent ang posisyon ni Pangulong Duterte na pinapahalagahan ang arbitral ruling subalit hindi ito ang sukatan para sa pakikipagkaibigan o pakikipag-away sa China.
Niliwanag ni Roque napagkakamalan ng mga kritiko si Pangulong Duterte na hindi pinapahalagahan ang panalo ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal sa usapin ng agawan ng teritoryo sa South China Sea.
Idinagdag ni Roque na ang hindi pagkakaunawaan ng mga bansa ay maaaring daanin sa diplomatikong paraan para hindi masira ang relasyon lalo na ang may kinalaman sa ekonomiya.
Vic Somintac