Paghahain ng COC para sa mga lugar na naapektuhan ng matinding pag-ulan, pinalawig hanggang Sept. 3
Pinalawig pa hanggang September 3, 2023 ng Commission on Elections ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa National Capital Region (NCR), Abra at Ilocos Norte na nais kumandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Una nang sinuspinde ng COMELEC ngayong araw ang COC filing sa mga nasabing lugar dahil sa masamang panahong dulot ng bagyo at habagat.
Sinuspinde rin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa NCR at sa pamahalaang panglalawigan ng Abra at Ilocos Norte.
“Due severe rains and flooding in Metro Manila brought about by Typhoon Goring, work in all COMELEC Offices in the National Capital Region is suspended today, August 31, 2023. Accordingly, the filing (and reception) of Certificates of Candidacy in the NCR is likewise suspended for today.” — COMELEC spokesperson Atty. John Rex Laudiangco.
Samantala, ang mga lugar naman na walang suspensyon ay mananatili pa rin sa September 2, 2023 ang deadline ng COC filing para sa BSKE.
Muli namang umapila si Laudiangco sa mga nais kumandidato na huwag nang hintayin pa ang deadline para maghain ng COC.
Sa datos ng poll body, nasa higit 672,000 na ang nakapaghain ng kandidatura para sa BSKE sa unang tatlong araw ng filing.
Nasa 1.5 hanggang 2 milyon aniya ang inaasahan ng poll body na magsusumite ng kandidatura para sa October 30 BSKE.
Madz Moratillo