Pagkakaroon ng designated survivor ng bansa, napapanahon ayon kay dating Chief Justice Reynato Puno
Naniniwala si retired Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, na panahon na para magkaroon ang Pilipinas ng batas ukol sa “designated survivor” gaya ng ibang mga bansa.
Sinabi ni Puno na sa harap na rin ito ng tensyon sa West Philippine Sea, paglaganap ng weapons of mass destruction, terorismo at iba pang mga kaguluhan sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sinabi ni Puno, “It’s time to do it. It can be done by means of a law. It can be done by means of resolution. It can be done by means of executive action.”
Ayon kay Puno, dapat ay handa ang Pilipinas sakaling mawalan ng kakayahan ang pangulo at iba pang matataas na lider na pamunuan ang bansa bunsod ng sakuna, giyera at iba pang emergency.
Aniya, “Dapat tayo umaksyon na hindi tayo pupuwedeng reactive sa ganitong sitwasyon, kailangan ang aksyon preventive, kung reactive huli na yun.”
Iminungkahi ng dating punong mahistrado na ang designated survivor ay may kaalaman at karanasan sa gobyerno at batid ang mga problema ng bansa.
Pero nilinaw ni Puno na hindi kailangan na isang halal na opisyal ang designated survivor.
Former Chief Justice Renato Puno
Paliwanag ni Puno, “Malaking bagay yun na designated survivor ay alam gaano kalalim, gaano kalawak ang ating security problem at yung kaalaman na yun mahirap makuha sa isang tao na walang experience sa gobyerno, sa ating pamamahala.”
Alinsunod sa Saligang Batas, ang Bise- Presidente, Senate President at House Speaker ang nasa line of succession para mamuno sa bansa kung mawalan ng kapasidad ang presidente.
Pero walang isinasaad sa Konstitusyon kung sino ang magiging lider ng Pilipinas kapag nawala o namatay ang lahat ng mga nasabing opisyal nang sabay-sabay.
Kaugnay nito, nanawagan din si dating Senador Joey Lina sa Kamara at Senado, na bumuo na ng batas ukol dito dahil ibang-iba na ang panahon at lagay ng seguridad ng mundo ngayon.
Ayon kay Lina, “We urge congress to enact this law this exigency which we cannot dismiss as a mostly highly improbable that it will not happen. The situation is different now compared to 50 yrs ago.”
Sinabi rin ni Puno na bagama’t may kapangyarihan ang presidente na maglabas ng executive order ukol sa designated survivor, ay mas mabuting kumilos ang Senado at Kamara para mapag-aralan ang lahat ng detalye at ganap na magkaroon ng designated survivor bill.
Nababahala rin sina Puno at Lina na magkaroon ng agawan sa kapangyarihan kung walang designated survivor sa oras na magkaroon ng emergency.
Sinabi ni Lina, “There will be grab for power and we do not know who will succeed in grabbing the powers of government, and that means you will have an extra constitutional effort that means we will no longer have the rule of law.”
Moira Encina-Cruz