Pagkakasabat ng 530 kilos ng shabu sa Pampanga pinaiimbestigahan sa Kamara
Hiniling ni House Senior Deputy Speaker at Pampanga Congressman Aurelio Gonzales Jr. na imbestigahan ng House Committee on Dangerous Drugs ang dalawang insidente ng pagkakakumpiska ng bilyun-bilyong pisong halaga ng ilegal na droga sa kanyang probinsya.
Ayon sa mambabatas nakakaalarma ang pagkakaroon ng malaking bulto ng ilegal na droga dahil hindi naman kilala ang Pampanga na pugad ng drug mga traffickers.
Kamakailan ay nasabat ang 530 kilos ng shabu sa bayan ng Mexico na nagkakahalaga ng 3.6 billion pesos habang noong Agosto naman ay nasamsam ang 200 kilos shabu sa abandonadong parking lot sa Mabalacat City na nagkakahalaga ng 1.3 billion pesos.
Nais din ng kongresista na silipin ang pananagutan ng Subic Freeport locators na sangkot sa pagkakapuslit ng kontrabando at mga warehouse kung saan itinago ang mga nakumpiskang mga ilegal na droga.
Vic Somintac