Pagkamatay ng aktor na si Matthew Perry, iniimbestigahan ng US police
Sinabi ng US police na iniimbestigahan nila ang ketamine overdose ng “Friends” actor na si Matthew Perry, na namatay sa kaniyang bahay sa Los Angeles noong nakaraang taon.
Ang 54-anyos na si Perry, na gumanap sa papel ni Chandler Bing sa sikat na TV sitcom mula 1994-2004, ay natagpuang patay sa kaniyang pool.
Lumitaw sa ginawang autopsy na ang sanhi ng kaniyang pagkamatay ay “acute effects of ketamine,” isang controlled drug na ginagamit ng aktor bilang bahagi ng kaniyang supervised therapy, dahil siya ay under addiction recovery.
Bagama’t kakaunti ang nasumpungan sa kaniyang bituka, mataas ang lebel na na-detect sa kaniyang dugo.
Pinagtutuunan ngayon ng isang legal na imbestigasyon kung paano nagkaroon ang aktor ng nasabing gamot, gayong ilang araw na itong hindi sumasailalim sa isang supervised infusion session.
Batay sa pahayag mula sa Los Angeles Police Department (LAPD), “Based on the Medical Examiner’s findings, the Los Angeles Police Department, with the assistance of the Drug Enforcement Administration and the United States Postal Inspection Service, has continued its investigation into the circumstances of Mr. Perry’s death.”
Madalas na gamitin ng mga doktor at beterinaryo ang ketamine bilang isang pampamanhid, at sinaliksik ng mga researcher ang paggamit dito bilang panggamot sa depresyon. Ilegal naman itong ginagamit ng iba dahil sa hallucinogenic effect nito.
(FILES) The cast of the hit US TV show “Friends” from L to R: Lisa Kudrow, Jennifer Aniston, Matthew Perry and Courtney Cox pose for photographers as they arrive for the 53rd Annual Golden Globe Awards January 21, 1996 in Beverly Hills. — US police said Tuesday they are investigating the ketamine overdose death of “Friends” actor Matthew Perry, who died at his luxury Los Angeles home last year. (Photo by MIKE NELSON / AFP)
Ang “Friends,” na tungkol sa buhay ng anim na New Yorkers, ang kanilang adulthood, dating at careers, ay umakit ng global followers at naging daan upang maging megastars ang hindi kilalang mga artista.
Ngunit sa kabila ng comic talent ni Perry, ay may itinatago itong madilim na bahagi ng kaniyang buhay na naging sanhi ng kaniyang adiksiyon sa painkillers at alcohol.
Noong 2018 ay dumanas siya ng burst colon, na may kaugnayan sa kaniyang drug usage, at sumailalim sa multiple surgeries.
Sa kaniyang memoir na “Friends, Lovers and the Big Terrible Thing,” na inilathala noong 2022, ay inilarawan ni Perry ang maraming ulit niyang pagpapa-detox.
Sinabi niya, “The book is for all of the sufferers out there. I have mostly been sober since 2001, save for about sixty or seventy little mishaps over the years.”
Ang kaniyang pagkamatay ay ikinagulat ng marami kasama na ang Hollywood A-listers, mga kasama niya sa TV show at fans ng “Friends” sa buong mundo.
Ayon kay Jennifer Aniston na gumanap sa papel na Rachel sa naturang sitcom, “Oh boy this one has cut deep.”