Pagkapanalo ni Trump sa eleksiyon, sinertipikahan na ng US Congress
Pormal nang sinertipikahan ng U.S. Congress ang pagkapanalo ng Republican President-elect na si Donald Trump, na magbibigay-daan sa kaniyang inagurasyon sa January 20.
Ang sertipikasyon ng mga resulta ng halalan sa 50 estado at ng Distrito ng Columbia ay naisagawa sa isang maikli at pormal na seremonya sa panahon ng joint session ng House of Representatives at Senado. Ito ay pinamunuan ni Vice-President Kamala Harris bilang pangulo ng senado.
Sinuportahan ng final certification ang mga paunang findings na nanalo si Trump ng 312 Electoral College votes kumpara sa 226 ni Harris.
Nakuha rin ng mga Republican ang mayorya sa Senado ng U.S. at nagkaroon ng maliit na kalamangan sa Kamara sa halalan noong Nobyembre, na magbibigay kay Trump ng suporta sa partido na kailangan niya para ipatupad ang kanyang nakaplanong agenda ng pagbabawas ng buwis at crackdown sa immigrants na naninirahan nang ilegal sa Amerika.
Hindi naman na tinangka ng Democrats na harangin ang sertipikasyon ng pagkapanalo ni trump.
Sinabi ni No. 2 House Democrat Katherine Clark, “We must renew our commitment to safeguarding American democracy. As elected leaders, our loyalty must be to the Constitution, first and always. We are here to honor the will of the people and the rule of law.”
Pinaigting naman ang seguridad sa loob at labas ng Capitol bilang paghahanda sa sertipikasyon at inaasahang mananatili hanggang sa panunumpa ni Trump.
Ang Capitol grounds ay pinalibutan ng metal fences daan-daang yarda mula sa U.S. Capitol, at accessible lamang sa pamamagitan ng checkpoints na binabantayan ng uniformed police officers.
May mga convoy din ng black police vehicles sa pangunguna ng 10-wheel Baltimore police mobile command center. Nagpapatrol din sa lugar ang New York Police Department reinforcements.
Sa loob, ang dagdag na mga team ng uniformed U.S. Capitol Police officers ang nagtsi-check sa mga IDs sa entrance sites kabilang ang mga pinto at underground tunnels na patungo sa House at Senate chambers.
Sinabi ni Trump na plano niyang patawarin ang ilan sa mahigit 1,500 kataong kinasuhan dahil sa pagkakasangkot sa pag-atake sa Capitol noong Jan. 6, 2021, sa isang nabigong pagtatangka na pigilan ang Kongreso na sertipikahan ang pagkapanalo ni Biden.
Sa nangyaring pag-atake sa Capitol noong 2021, nilusob ng rioters ang police barricades, at sinaktan ang nasa 140 officers at nagresulta sa mahigit $2.8 milyong pinsala. Maraming pulis na nakipaglaban sa protesters ang namatay sa sumunod na mga linggo, ilan sa mga ito ay nagpakamatay.
Bilang resulta ng karahasang nangyari ng araw na iyon, nagpasa ang Kongreso ng batas sa huling bahagi ng 2022 na nagpapatibay sa mga guardrail upang matiyak na ang proseso ng sertipikasyon ay mapangangasiwaan sa legal na paraan.
Marami sa mga pagbabagong ito ay direktang tugon sa mga pagkilos ni Trump hanggang sa at kabilang ang nangyaring kaguluhan ng Jan. 6, 2021. Halimbawa, iginiit ng bagong batas na ang tungkulin ng bise presidente ay higit na seremonyal.