Pagkasira ng mga coral reefs ng bansa i-imbestigahan na ng Kamara
Pinaiimbestigahan na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkasira ng iba’t ibang coral reefs ng Pilipinas dahil sa malawakang bleaching o harvesting.
Ito’y matapos ihain ni Congresswoman Keit Micah Tan ang House Resolution 1309 na humihiling na atasan ang House Committee on Ecology na magdaos ng pagdinig in aid of legislation upang mapalakas ang mga hakbang ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan sa coral reef conservation.
Ayon sa Kongresista sa inilabas na mga video ng Philippine Coast Guard o PCG ay makikita ang nakalulungkot na pinsalang tinamo ng Rozul Reef at Escoda Shoal, na kapwa nasa West Philippine Sea kung saan nasira na ang marine ecosystem sa naturang lugar.
Babala ng mambabatas kung hindi maaawat ang bleaching o harvesting sa mga bahura ay lubha itong makaka-apekto sa industriya ng pangingisda at turismo, pati sa kabuhayan ng mga residente sa baybayin.
Panahon na para kumilos ang gobyerno para protektahan ang marine ecology ng bansa at magkaroon ng post-bleaching recovery program.
Vic Somintac