Pagkatapos ng ilang buwan ding publisidad, autobiography ni Prince Harry mabibili na
Sa wakas ay ipinagbibili na sa UK ang autobiography ni Prince Harry na “Spare,” matapos ang mga buwan ng pag-asam at patuloy na publisidad, na nagbabanta naman ng higit pang kahihiyan para sa royal family.
Gabing-gabi nang nagsara ang ilang mga tindahan sa UK para sa midnight release ng “biggest royal book,” pagkatapos ng kolaborasyon ni Princess Diana at Andrew Morton para sa librong “Diana: Her True Story” noong 1992.
Ang publikasyon ay sinamahan ng apat na panayam sa telebisyon sa UK at Estados Unidos, kung saan ngayon nakatira si Prince Harry kasama ng asawang si Meghan.
Ngunit ang mga nilalaman ng ghost-written memoir ni Harry, na magiging available sa 16 na wika at bilang isang audiobook, ay malawakang nag-leak matapos na ang mga kopya ay hindi sinasadyang naibenta ng maaga sa Spain.
Ayon sa mga nakabili ng mga naunang kopya sa Spain, ang libro ay naglalaman ng isang pag-aangkin mula kay Harry, na siya ay pisikal na inatake ng kaniyang kapatid na si Prince William nang sila ay magtalo tungkol kay Meghan.
Ang libro ay maaaring magdulot ng pangamba sa pamilya, partikular kay William at sa kanilang ama na si King Charles III, tungkol sa kung ano ang iba pang nakahihiya at mapanganib na mga pahayag na nakapaloob sa mga pahina nito, na piniling idetalye ng British media.
Ang libro ay nasa likod din ng anim na oras na Netflix docuseries na “Harry & Meghan,” kung saan muling inilabas ng mag-asawa ang kanilang mga hinaing sa royal family at sa British media.
Subalit kung ang mag-asawa ay umaasa na makakuha ng simpatiya, lumitaw sa mga botohan kamakailan na kabaligtaran ito.
Lumabas sa isang YouGov poll nitong Lunes, na 64 na porsyento na ngayon ang may negatibong pananaw sa dating sikat na prinsipe, na pinakamababa na niyang rating at ang score ni Meghan ay mahina rin.
Sa panayam, ang Duke ng Sussex ay nagdulot ng pagkalito matapos niyang igiit na kailanman ay hindi nila inakusahang mag-asawa ang royal family ng racism, kaugnay ng mga komento tungkol sa magiging kulay ng kanilang anak na lalaki na noon ay hindi pa isinisilang.
Nanindigan si Harry na gusto niyang makipagkasundo sa kanyang ama at kapatid, sa kabila ng kawalan ng pakikipag-ugnayan sa mga ito, ngunit sinabi niyang ang pananagutan ay nasa kanila. Tumanggi rin siyang kumpirmahin kung dadalo siya sa koronasyon ni King Charles III sa Mayo.
© Agence France-Presse