Pagkilala ng SC sa regulatory power ng FDA at DOH sa usapin ng sigarilyo at tobacco products, tagumpay – Sen. Cayetano
Iginagalang ng Kataas-taasang hukuman ang karapatan ng mamamayang Pilipino na magkaroon ng magandang kalusugan.
Ito’y sa pamamagitan ng pagkilala sa kapangyarihan ng Food and Drug Administration (FDA) na i-regulate ang paggamit ng sigarilyo at iba pang tobacco products.
Sinabi ni Senador Pia Cayetano na pangunahing may-akda ng FDA Act of 2009 na isang tagumpay ang desisyon ng Supreme Court na kilalanin ang regulatory power ng FDA at Department of Health sa isyu ng sigarilyo at iba pang tobacco products.
Abril 2013 nang maghain ng petisyon si Cayetano sa Kataas-taasang hukuman para limitahan ang paggamit ng sigarilyo dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan.
Pero naghain rin ng petisyon ang tobacco industry para tutulan at harangin ang anumang regulasyon ng FDA.
Naglabas ng desisyon ang Korte Suprema pabor sa FDA regulation noong July 21, 2021 at naglabas ng promulgation nito lamang June 7.
Ngayong taon, nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa sa ilalim ng Executive Order No 26.
Meanne Corvera