Pagkolekta ng excise tax sa oil products, pinasususpinde
Umapila si Senador Grace Poe sa Malacañang na pansamantalang suspendihin ang ipinapataw na excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Poe, ito’y para mabawasan ang matinding hirap na pinagdaraanan ng mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan.
Apektado rin ayon sa Senador ang mga magsasaka sa gumagamit ng gasolina sa pagtatanim at pag-aani kasama na ang pagbiyahe ng kanilang mga produkto.
Ginawa na rin naman aniya ito ng gobyerno nang bawasan ang buwis na ipinapataw sa mga inaangkat na karneng baboy nang manalasa ang African Swine Fever.
Babala ng Senador, kung walang gagawing aksiyon ang gobyerno sa patuloy na pagsirit ng presyo ng oil products, magkakaroon ito ng domino effect sa mga pangunahing bilihin kaya hindi malayong lalo pang tumaas ang inflation.
Meanne Corvera