Pagkuha ng DOH sa serbisyo ng mga unlicensed nursing graduates tuloy
Tuloy pa rin ang plano ng Department of Health (DOH) na kunin ang serbisyo ng mga nursing graduate kahit pa hindi lisensyado ang mga ito.
“Hindi siya zero… may possibility pa rin to solve,” pahayag ni Health Secretary Dr. Ted Herbosa.
Tugon ito ni Herbosa sa posisyon ng Professional Regulation Commission (PRC) na hindi pwedeng mag-issue ng temporary license sa mga non-board passers na nursing graduates.
Paliwanag ni PRC Commissioner Dr. Jose Cueto Jr., malinaw ang nakasaad sa Republic Act 9173 o Philippine Nursing Act of 2002 na ang special o temporary permit ay ibinibigay sa mga dayuhang lisensyadong nurse.
“Sa diskusyon ng issues involve sa nursing profession, RA 9173, walang probisyon nagbibigay kapangyarihan sa PRC na magbigay ng temporary license sa nursing graduate na di nakapasa sa licensure exam,” paliwanag ni Dr. Cueto sa Laging Handa Forum.
Maging ang passing grade na 75 ay nasa batas din aniya.
“Nasa batas din ng nursing yang standard average na 75% at walang mababa sa 60% of any subject,” dagdag na paliwanag pa ni Dr. Cueto.
Hindi aniya ito pwedeng baguhin maliban nalang kung ma-amyendahan ang batas.
Sagot naman ni Herbosa, may mga nakausap na siyang kongresista na handang suportahan ang kanyang panukalang ito.
Maging sa PRC, may mga nakausap na rin umano siya at tiniyak na pag-aaralan kung paano ito gagawan ng paraan.
Habang hindi pa napaplantsa ang usapin, nakitang solusyon ng DOH na gawin muna silang nursing assistant.
Para sa nursing assistant ay salary grade 9 na o katumbas ng P22,000 ang entry level ng kanilang sweldo.
Sa mungkahi naman ng grupo ng mga health workers na ang kunin dapat ng DOH ay mga nurse na lisensyado at nagtatrabaho sa ibang industriya, sinabi ni Herbosa na dapat ay mag-apply sila..
Tiniyak ni Herbosa na gagawan niya ng paraan para masolusyunan ang problema na ito ng kakulangan sa health workers.
Madelyn Moratillo