Pagkukumpara ng COVID-19 situation sa PHL sa ibang mga bansa, dapat maging maingat – DOH
Pumalag ang Department of Health matapos ikumpara sa Indonesia pagdating sa bilang ng mga kaso ng COVID- 19 infection.
Sa datos nitong agosto 6, nalagpasan ng Pilipinas ang COVID cases ng Indonesia na syang nangunguna sa mga bansa sa Southest Asia na may pinakamaraming kaso ng virus.
Batay sa record, nakapagtala ang Pilipinas ng 119,460 covid cases na mas mataas kaysa 118,753 ng Indonesia.
Giit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangang maging maingat sa pagkukumpara ng COVID situation ng Pilipinas sa iba pang bansa.
Paliwanag ni Vergeire, na sa pagkukumpara sa ibang bansa ay dapat ikonsidera rin ng publiko ang ilang bagay gaya ng populasyon at health care systems.
Binigyang diin ni Vergeire na ginagawa ng gobyerno ang lahat para mapalakas ang mga programa laban sa COVID- 19.
Matatandaang una na ring naikumpara ang Pilipinas sa Singapore.
Pero ayon sa DOH, hindi dapat ikumpara ang Pilipinas sa Singapore dahil magkaiba naman ang kanilang populasyon.
Samantala, inabisuhan ng DOH ang publiko na asahan ang pagbisita ng mga miyembro ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic o CODE team para sa COVID-19 symptom assessment.
Ayon kay Vergeire, kabilang sa prayoridad ng CODE team ang mga barangay sa Metro Manila at CALABARZON na may naitalang pinakamaraming kaso ng COVID-19 infections.
Target aniya ng pamahalaan na matukoy ang mga residente na may sintomas ng COVID-19 para agad itong ma-isolate at matukoy ang mga nagkaroon ng close contact sa kanila “ you have to identify all of those with symptoms, or all of those who had been exposed to a person with symptoms, or a person who was positive, kailangan ma isolate yan, kailangang nabibigyan ng edukasyon at impormasyon “ ani Vergeire.
Kabilang sa sampung lungsod sa Metro Manila na kasama sa CODE strategy sa susunod na dalawang linggo ay ang Pinagbuhatan, Pasig; Addition Hills, Mandaluyong; Sucat, Muntinlupa; Potrero, Malabon; Pembo, mMakati; San Antonio, Parañaque; Brgy. 12, Caloocan; Batasan Hills, Quezon City; BF International, Las Piñas at Fort Bonifacio, Taguig.
Matapos naman ang dalawang linggong MECQ, pinag-aaralan aniya nilang ipatupad ang CODE strategy sa iba pang high risk areas sa buong bansa.