Paglabag ng mga public transportation at pasahero sa health protocol, pinasisilip ng Malakanyang sa DOTr
Inatasan ng Malakanyang ang Department of Transportation (DOTr) na silipin ang paglabag ng mga pampublikong transportasyon sa ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force na minimum health standard protocol.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakarating sa kaalaman ng IATF na maraming driver ng mga pampublikong sasakyan kasama ang mga pasahero ang hindi sumusunod sa health protocol tulad ng regular na disinfection sa transport units, hindi tamang pagsusuot ng facemask at faceshield ng mga pasahero at kung minsan ay overloading sa rush hour.
Ayon kay Roque, mahalagang masunod ang health protocol lalo na ngayong ikinokonsidera na ng IATF na itaas na sa 100 percent mula sa kasalukuyang 50 percent ang operational seating capacity sa mga pampublikong transportasyon.
Inihayag ni Roque makakatuwang na ng DOTr sa pagmonitor sa pagsunod ng public transportation sa standard health protocol ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police.
Niliwanag ni Roque ang pasunod sa health protocol ang mabisang paraan para makaiwas sa corona virus maliban sa anti-COVID-19 vaccine.
Vic Somintac