Paglikas, ipinag-utos na sa Athens district dahil sa wildfire
Isinailalim na sa evacuation orders ang libu-libong katao sa outer district ng Athens, kabisera ng Greece habang patuloy na nakikipaglaban ang mga bumbero sa lumalawak na wildfires sa paligid ng bansa na ikinasawi na ng 20 katao.
Ang paglilikas ay ipinag-utos ng civil protection sa Ano Liosia sa northwest Athens, isang distrito ng higit sa 25,000 katao.
Sinabi ng fire department na higit sa 60 mga sunog ang sumiklab sa nakalipas na 24-oras, at anim na mga bansa na ang nagpadala ng tulong sa pamamagitan ng civil protection mechanism ng European Union, sa gitna ng mapanganib na magkahalong napakalakas na hangin at temperatura na hanggang 41 degrees Celsius.
Sinabi ni fire department spokesman Yiannis Artopios, “The situation is unprecedented, weather conditions are extreme. Tuesday fires ‘grew to gigantic size’ in a short space of time.”
Sa mga unang oras nitong Martes, labingwalong migrants ang natagpuang patay sa isang sunog sa kagubatan malapit sa Turkish border, sa hilaga ng siyudad ng Alexandroupolis.
At dahil walang napaulat na mga lokal na residenteng nawawala kaya sinabi ni Artopios, na “ang posibilidad na ang mga nabanggit na nasawi ay ilegal na pumasok sa bansa ay iniimbestigahan na.”
Ang naturang lugar kasi ay malimit na ginagamit na “entry point” para sa irregular migrants.
Samantala, umakyat na sa dalawampu ang kabuuang namatay sa sunog sa linggong ito.
Dahil isa pang hinihinalang migrant ang natagpuan din sa lugar at isa namang matandang pastol ang nakita namang patay sa hilaga ng Athens noong Lunes.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Janez Lenarcic, Commissioner for Crisis Management, “Greece is witnessing an unprecedented scale of wildfire devastation this summer and in such trying times the EU’s swift assistance is vital.”
Ang mas mababang mga dalisdis ng Mount Parnitha, ang pinakamalaking kagubatan na nasa hangganan ng Athens, na ilang ulit nang naging biktima ng mga wildfire, ay nagniningas pa rin.
Ipinasara na ng mga opisyal ang pinakamalapit na seksiyon ng Athens ring road, at inabisuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay.
Isa pang malaking sunog ang naglalagablab pa rin sa isang landfill sa industrial zone ng Aspropyrgos, kanluran ng Athens, kung saan ang lugar ay nababalot na ng nakalalasong itim na ulap.
Patuloy namang kumalat at hindi na mapigilan ang apoy sa hilagang-silangan ng Greece maging sa mga isla ng Evia at Kythnos, ang rehiyon ng Boeotia hilaga ng Athens, sa Peloponnese at sa hilagang Greece.
Sa mga huling oras noong Lunes, ipinag-utos naman ang paglikas sa isang ospital sa Alexandroupolis, isang northeastern Greek port city na nasa isang lugar kung saan apat na araw nang naglalagablab ang sunog.
Ayon sa coastguard, 65 mga pasyente na ang kanilang inilipat sa naghihintay na ferry sa city harbour.
Ang sunog malapit sa Alexandroupolis ay nagbabanta rin sa national park ng Dadia, isa sa pinakamahalagang protected areas sa Europe na tahanan ng hindi pangkaraniwang birds of prey.
Sa isla ng Evia, malapit sa kapitolyo, inilikas na ng mga opisyal ang mga tao mula sa industrial town ng Nea Artaki, kung saan ang sunog ay puminsala na ng poultry at pork farms.
Ayon sa meteorologists, ang napakainit at tuyong kondisyon na nagpapataas sa panganib ng sunog ay magpapatuloy hanggang Biyernes.