Paglilipat ng PhilHealth sa OP tinutulan ng dating DOH chief
Tutol si dating Health Secretary at Iloilo Representative Janet Garin sa mungkahing ilipat sa ilalim ng Office of the President ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sinabi ni Garin, vice chairman din ng House Committee on Health, na masyadong marami nang pinagkaka-abalahan ang OP para pangasiwaan pa ang PhilHealth.
Sa panayam ng programang ASPN o Ano Sa Palagay Nyo? sa halip na sa OP ay ilipat ang PhilHealth sa Department of Finance at ang implentasyon naman ng Universal Healthcare ay sa Department of Health
“Kung ililipat man ang PhilHealth, ilipat natin sa Department of Finance (DOF) and let us amend the Universal Healthcare law that the implementing agency should be the Department of Health (DOH) and not PhilHealth, kasi mahirap yan kapag ang PhilHealth inilipat sa OP and then the implementer of the Universal Healthcare law will be the Office of the President, I am not sure kung matututukan yung ganung napaka-importanteng aspeto ng kabuhayan,” paliwanag ni Congresswoman Garin.
Sinabi ni Garin na tatlong aspeto ang problemang kinakaharap ng PhilHealth kabilang ang fraud, management at ang mga packages na ginagawa ng PhilHealth na hindi akma sa prinsipyo ng insurance.
Ilan sa mungkahing solusyon ni Garin bukod sa paglilipat ng PhilHealth sa DOF ay ang privatization sa IT nito para ayusin ang database upang maiwasan ang fraud at ipatupad ang mungkahing individual membership sa halip na family membership.
Hindi rin siya sang-ayon sa mga binuong packages ng PhilHealth na maaari naman aniyang ipatupad ng DOH at iba pang ahensya gaya ng Department of Social Welfare and Development o DSWD at Department of Interior and Local Government o DILG.
Malulugi daw kasi ang PhilHealth kung ipapatupad ang mga packages pero hindi itinataas ang premium ng mga miyembro.
“Any public health program if implemented by an insurance agency becomes an opportunity sa fraud, ganun talaga yun eh, para mas maging epektibo siya it should be implemented by the correct government agencies,” dagdag pa ng mambabatas.
Weng dela Fuente