Paglilitis kaugnay ng train crash sa Spain noong 2013 na ikinasawi ng 80, binuksan na
Siyam na taon makaraang bumangga ang isang high-speed train na ikinasawi ng 80 at ikinasugat ng 140 iba pa, isang major trial ang binuksan nitong Miyerkoles para alamin ang may responsibilidad sa pinakamatinding rail disaster sa Spain sa halos walong dekada.
Sa panahon ng paglilitis, na itinakdang tumakbo hanggang sa Pebrero, diringgin ng korte ang testimonya mula sa 669 na katao.
Ang pagdinig ay gaganapin sa isang cultural centre sa Santiago na ginawang isang courtroom, para ma-accomodate ang malaking bilang ng mga abogado at civil parties na lalahok sa paglilitis.
Dalawang tao ang kinasuhan kaugnay ng aksidente. Ang driver na si Francisco Garzon, at ang dating safety director sa state rail operator na ADIF na si Andres Cortabitarte.
Ang dalawa ay kapwa nahaharap sa kasong “homicide due to gross professional negligence.” At nais ng prosecutors na bawat isa ay mapatawan ng apat na taong pagkakabilanggo, habang ang pamilya naman ng mga biktima ay humihingi ng halos 58 million euros ($58 million) na danyos batay sa mga dokumento ng korte.
Noong Hulyo 24, 2013, isang tren na bumibiyahe mula sa Madrid ang lumihis sa riles habang ito ay humaharurot sa isang paliko sa labas ng Santiago de Compostela, isang lungsod sa hilagang-kanlurang rehiyon ng Galicia.
Inararo nito ang isang concrete siding na ikinasawi ng 80 katao habang nasa 145 naman ang nasaktan, sa pinakamatinding train tragedy mula noong 1944.
Nang bumangga ang tren, tumatakbo ito sa bilis na 179 na kilometro bawat oras (111 milya bawat oras), dalawang ulit na mas mabilis kaysa speed limit ng riles, batay na rin sa black box data recorders nito.
Sinabi ng mga imbestigador na ang trahedya ay nagresulta mula sa pagkawala ng atensyon ng 52-taong-gulang na tsuper, na katatapos lamang makipag-usap sa on-board conductor ilang sandali bago lumihis ang tren.
Una nang sinabi ng mga korte na ang sobrang bilis na takbo ng tren ang tanging dahilan ng aksidente, kung saan kinasuhan si Garzon ng reckless homicide at causing injuries.
Ngunit ang findings nito na walang pananagutang kriminal ang state rail operator na ADIF, ay binago kalaunan kasunod ng mga reklamo ng pamilya ng mga biktima na may pagkakamali ito dahil walang automatic braking system at walang sapat na warning signs sa riles bago dumating sa palikong bahagi.
Bilang resulta, ang imbestigasyon ay muling binuksan noong 2016 at si Cortabitarte ng ADIF ay kinasuhan.
Pinuri naman ng pamilya ng mga biktima ang desisyon ngunit nagpahayag ng panghihinayang na walang pulitikong napanagot, laluna si Ana Pastor, ang infrastructure minister nang panahong mangyari ang aksidente, na pinilit ang Brussels na itigil ang report na bumabatikos sa Madrid.
© Agence France-Presse